1 patay, 2 sugatan sa banggaan ng pampasaherong bus at motorsiklo sa Paracale

CAMARINES NORTE- Isa ang patay habang dalawa naman ang sugatan sa nangyaring banggaan ng pampasaherong bus at motorsiklo Lunes ng hapon sa Purok 1, Barangay Tawig, Paracale, Camarines Norte.

Sa imbestigasyon ng Paracale Police, habang binabaybay ng bus na pag aari ng Mega Bus Line Corporation ang kalsada mula sa bayan ng Daet patungong sentro ng Paracale ay aksidente nitong nabangga ang motorsiklong minamaneho ni Mark John Flores angkas sina Gabriel Venida 21 at Jofer Madera nang ito ay mag u- turn.

Dinala ang mga sugatang sakay ng motorsiklo sa Camarines Norte Provincial Hospital pero ideneklarang dead on arrival ang isa sa mga angkas nitong si Madera.

Nagtamo naman ng sugat sa iba’t- ibang parte ng katawan si Flores, ang driver ng motorsiklo at ang isa pa sa angkas nitong si Venida.

Walang plaka ang motorsiklo at wala ring naipresentang lisensya ang driver ng motorsiklo.

Nasa kustodiya naman ngayon ng Paracale MPS ang driver ng bus na si Ramon Enova 53 at mga sasakyang sangkot sa aksidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *