11 katao nahulihan ng armas at mga bala sa Sorsogon

SORSOGON CITY – Nasa 11 katao ang naaresto ng awtoridad matapos silang makuhanan ng ibat-ibang uri ng armas at mga bala sa bayan ng Castilla, Sorsogon.

Sa panayam ng Brigada News sa hepe ng Castilla Police na si PMaj Marmay Fartingca, sinabi nito na naireport sa kanilang himpilan ang dalawang behikulo kung saan ang lulan nito ay umano’y nagpaputok ng baril at nangharas ng barangay officials ng Brgy Macalaya at kinuha pa ng mga ito ang mga cell phones at ilang gamit ng mga biktima.

Agad nagsagawa ng hot pursuit operations ang personahe ng Castilla Police at na-flagged down nila ang isang Montero at Innova sa chokepoint mismo sa Brgy Burabod ng nasabing bayan.

Ang dalawang behikulo ay lulan ng 11 lalaki at sa ikinasang search sa behikulo ay narekober ng mga awtoridad ang ibat-ibang uri ng baril at mga bala kabilang ang dalawang M16 rifle, sub-machine gun, assorted magazine at ammunition.

Ayon pa kay Fartingca, walang naipakitang dokumento sa mga armas ang naarestong mga lalaki.

Nagpapatuloy sa ngayon ang imbentaryo sa mga nakumpiskang mga armas at bala habang inaalam din kung mga miyembro ng private armed group (PAG) ang mga naaresto.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *