2 tripulante ng MV Clyde at Barge Claudia na nakadaong sa Sto. Domingo, Albay positibo sa COVID-19 Delta variant

BICOL—Kinumpirma ng Department of Health Bicol Center for Health Development (DOH Bicol CHD) na positibo sa Delta variant ang dalawa sa 11 tripulanteng COVID-19 positive na sakay ng MV Clyde & Barge Claudia na nakadaong sa Sto. Domingo, Albay.

Base ito sa resulta ng genomic sequencing sa limang samples na ipinadala sa Philippine Genome Center (PGC). Ang dalawang nagpositibo ay kapwa deck cadets, isa ang mula sa Albay at ang isa naman ay taga CALABARZON.

Bago pa man dumating sa karagatan ng Albay ang barko mula sa Butuan City ay kinumpirma na ng mga otoridad na 11 sa 19 na sakay nito ay positibo sa COVID-19 matapos na lumabas ang resulta ng kanilang test sa Caraga region habang sila ay nasa laot.

Magugunita na dumating ang MV Clyde & Barge Claudia sa lalawigan noong July 20, 2021 at mula noon ay agad silang ini-isolate habang patuloy na minomonitor ng Bureau of Quarantine V.

Sa pinakahuling monitoring kahapon, asymptomatic ang lahat ng mga tripulante kung saan wala ni isa man sa kanila ang nakakaranas ng ubo, sipon, lagnat o sakit ng ulo.

Ang Delta variant o B.1.617.2 ay unang nadetect sa India noong October 2020. Ito ang itinuturing na pinakanakakahawang uri ng coronavirus sa buong mundo.

Kaugnay nito ay patuloy ang paalala ng DOH sa publiko na sundin ang mga preventive measures upang maiwasan ang pagkahawa sa Delta variant at iba pang variants of concern ng COVID-19.  || SLM

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *