3 lalaki na naaktuhang nanghihiwa at namumutol ng puno ng niyog sa Libon, Albay, arestado

LEGAZPI CITY – Hindi na nakapalag pa ang tatlong lalaki matapos mahuli ng mga otoridad sa Zone 6, Brgy. Bacolod, Libon, Albay dahil sa pamumutol ng puno ng niyog.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Lito”, 53 anyos, laborer, residente ng Purok 3 ng nasabing barangay; “Rudilly”, 31 anyos, residente ng Zone 1, Brgy. San Vicente at si “Alfonso”, 60 anyos, residente ng Zone 6, Brgy. Burabod.

Ayon sa report, nakatanggap ng tawag ang Libon MPS mula sa isang concerned citizen tungkol sa impormasyon.

Dahil dito, agad na nagpadala ng mga pulis sa lugar upang ito’y beripikahin.

Nang marating ang lugar, dito na sila nahuli sa aktong humihiwa at pumuputol ng nasabing mga kahoy.

Hinanapan din ito ng mga dokumento mula sa Philippine Coconut Authority (PCA), subalit wala itong maipakita.

Narekober sa kanila ang kulay puti at orange na yunit ng chain saw, isang litro ng gasolina, isang nylon na lubid at 28 piraso ng coco lumber na may sukat na 2×2 by 12 ft.

Samantala, ang mga suspek at mga narekober na ebidensiya ay dadalhin muna sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *