7-anyos na batang lalaki; patay matapos malunod sa ilog sa San Mariano, Isabela

Patay ang isang pitong taong gulang na lalaki matapos malunod sa Pinacanauan river na sakop ng Brgy. Zone 2, San Mariano, Isabela.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PLT. Julius Telan, Deputy Chief of Police ng San Mariano-PNP, ang biktima ay kinilalang si Carl Michael Acoba, 7-anyos na residente ng Brgy.  Zone 1, San Mariano.

Batay sa kanilang pagsisiyasat, nagkayayaan umano na maligo sa ilog ang biktima kasama ang kanyang kaibigan.

Dahil sa malakas ang agos ng tubig sa ilog at may kalaliman ay tinangay umano ito ng agos na dahilan ng kaniyang pagkalunod.

Ayon pa kay Lt. Telan, hindi umano alam ng mga magulang ng biktima ang pagtungo roon ng bata.

Dakong alas-4 na ng hapon noong May 16 nang maipag-bigay alam sa kanilang himpilan ang naturang insidente kung saan nakita umano ng isang concerned citizen ang katawan ng naturang bata sa ilog.

Sinubukan pa nilang dalhin sa pagamutan ang biktima subalit binawian din ng buhay.

Dahil sa naturang insidente ay lalo pa umanong paiigtingin ng pulisya katuwang ang mga opisyal ng barangay ang kanilang pagbabantay sa mga ilog lalo na ngayong mainit ang panahon.

Umapela rin siya sa mga magulang na hanggat maari ay bantayan ang kanilang mga anak lalo pa’t bawal ang paglabas ng mga menor de edad ngayong may pandemya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *