Alkalde ng Bulan, Sorsogon kinasuhan ng Grave Oral Defamation at Cyber libel ng isang Kapitan

SORSOGON CITY – Ipinagharap ng magkapatong na kaso ng isang Punong Barangay ang alkalde ng Bulan, Sorsogon.

Sa impormasyon na nakuha ng Brigada News FM-Sorsogon, Setyembre 16 nang pormal na sinampahan ng kasong grave oral defamation at cyber libel ni Zone 2 Barangay Chairman Jojo Geraldino si Mayor Romeo Gordola.

Paliwanag ni Kapitan Geraldino, ang kanyang pagsampa ng asunto laban sa alkalde ay upang linisin ang kanyang pangalan sa naging pahayag umano ng alkalde sa social media na siya ay ‘nangongotong’ at siya ay may kaugnayan sa makakaliwang grupong NPA.

Ayon sa kapitan, isa umano itong paninirang puri, walang katotohanan at isa lamang pamumulitika.

Sinabi naman ni Mayor Gordola na handa niyang harapin ang nasabing kaso. Sapat umano ang kanyang mga nakalap na ebidensiya upang patotohanan ang kanyang naging pahayag at hindi paninira sa nasabing barangay official.

Bulan Mayor Romeo ‘Meo’ Gordola

Matatandaan na noong nakaraang taon pa ay nag-anunsyo na si Geraldino ng kanyang planong pagtakbo bilang alkalde ng bayan sa 2022 elections.

Ilalatag umano niya ang kanyang 10-point agenda pagdating ng halalan.

Si Geraldino ay naging popular sa mga mangingisda at masa dahil sa kanyang ipinamalas na mga epektibong aksyon sa panahon ng pandemya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *