Apat katao, sugatan sa karambola ng mga sasakyan sa Virac, Catanduanes

BNFM BICOL—Nagpapagaling na ngayon sa ospital ang apat na mga indibidwal na nasugatan sa nangyaring karambola ng mga sasakyan sa bayan ng Virac, Catanduanes nitong nakaraang araw.

Batay sa ulat ng Virac PNP, kinilala ang suspek na si Rustom Gandia, 59-anyos, residente ng Brgy. Palanog sa Camalig, Albay.

Habang tinatahak umano ng suspek ang kahabaan ng Quezon Avenue sa Brgy. Salvacion, Virac ay aksidenteng nawalan ng control ang minamaneho nitong Toyota Estima.

Inararo ng nasabing kotse ang isang Toyota Wigo, tatlong tricycle at nadamay rin ang isang motorsiklo. Sugatan sa insidente ang apat na mga indibidwal na agad namang naisugod sa Eastern Bicol Medical Center upang malapatan ng lunas.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng mga otoridad ang suspek, na nakatakda umanong kasuhan ng Reckless Imprudence Resulting to Multiple Physical Injuries and Multiple Damage to Property habang nasa himpilan rin ng Virac MPS ang mga sangkot na sasakyan para sa kaukulang disposisyon.

Kaugnay nito, nanawagan ang PNP sa publiko na maging maingat sa pagmamaneho at palagiang suriin ang gagamiting sasakyan bago bumiyahe upang maiwasan ang mga katulad na insidente.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *