BRP Antonio Luna FF151 warship, ipinasilip sa ilang sibilyan sa Legazpi City

LEGAZPI CITY – Ipinasilip sa ilang mga sibilyan sa Legazpi City ang isa sa mga warship ng Pilipinas, at ito ang BRP Antonio Luna FF151 kahapon, Abril 3, kung saan nagsagawa ng tour sa loob ng barko at ipinakita ang mga kagamitan at operasyon nito.

Ayon kay Navigation Officer, Dan Bryan Madrid, ito ay bilang bahagi ng kanilang patrol operation, kung saan galing sila sa Mavulis Island ng Batanes at bumyahe naman sila papuntang Bicol partikular na sa Legazpi Port.

Aniya, ito ang pinakamodernong barko ng bansa at mayroon na itong modernong kapabilidad tulad ng anti-air warfare, anti-surface warfare, anti-submarine at electronic warfare at kaya rin nitong bumyahe ng 25 nautical miles per hour.

Naroon din si NAVFOSOL Commander, Commo. Joe Anthony C. Orbe, kung saan sinabi niyang ito ang unang pagkakataon na bumisita ang nasabing barko sa rehiyon.

Dagdag pa niya, hindi lamang ito pandigma kundi may kakayanan din ang barko na tumulong sa mga sakuna, tulad ng desalination process o kakayanang gawing maiinom na tubig ang tubig-dagat.

Samantala, sunod naman nilang bibisitahin ay ang timog na bahagi ng bansa, ngunit wala pang partikular na lugar.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *