Chooks president umaasang matutuloy ang Mindanao leg ng VisMin Cup

Kinwestyon ni Ronald Mascariñas ng Chooks-to-Go ang desisyon ng Games and Amusements Board (GAB) na suspendihin ang Mindanao leg ng Philipinas VisMin Super Cup sa gitna ng kontrobersya sa Visayas leg ng naturang liga.

Sinabi ni Mascariñas na ang pagsuspinde sa Mindanao leg na nakatakda sanang maganap sa May 20, ay hindi lamang makokonsidera bilang “overboard” kundi pati na rin bilang “berserk”.

Anya, magkaiba naman ang sets ng management teams at players nito at iba rin naman ang sets ng mga laro na gagawin sa Mindanao leg.

Matatandaan na inutos ni GAB chairman Baham Mitra ang suspensyon ng nine-team Mindanao event kasunod ng kontrobersyal na laro sa pagitan ng Lapu-Lapu City at Siquijor noong nakaraang linggo kung saan ay tila sinasadya ng players na imintis ang kanilang mga free throws at open lay-up.

Humantong ang nasabing laro sa mga alegasyon ng game fixing, pagkaka-tanggal ng Siquijor mula sa liga, at pagpataw ng multa at suspensyon laban sa mga players ng Lapu-Lapu.

Meron pang mga naglabasang ulat na nagbanta ang Chooks-to-Go na magpu-pull out ito bilang league sponsor.

Gayunman, sa kabila ng lahat ng yan ay umaasa pa rin ang sports patron na si Mascariñas na ire-rekonsidera ng GAB ang desisyon nito, at papayagan ang Mindanao leg na maituloy ang mga laro nito.

Samantala, matutuloy naman ang Visayas leg sa Alcantara Civic Center sa Cebu ngayong araw.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *