Dagsa ng mga tao sa iba’t- ibang simbahan muling nasilayan noong pasko pagkalipas ng dalawang taon ng COVID- 19 pandemic

CAMARINES NORTE – Dinagsa muli ng mga mananampalataya ang iba’t- ibang simbahan nitong kapaskuhan pagkalipas ng dalawang taon ng COVID- 19 pandemic.

Bagamat hindi pa tapos ang pandemya na nasa ikatlong taon na, ngayong taon lang walang mga restriction at niluwagan na rin ang face mask mandate.

Sa Holy Trinity Cathedral at sa iba pang mga simbahan sa lalawigan ay pinayagan na muli na mahawakan ng mga tao ang imahe ng Niño Hesus pero wala pa ang tradisyunal na pahalik

Sa dami ng tao at sasakyan ilang minuto ring halos walang galawan ang mga sasakyan dahil sa salubungan ng mga ito sa kalsada papasok at palabas ng katedral.

Sa kaniyang homily, sa misa sa kapaskuhan, pinansin ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ang malungkot na katotohanan na sa kabila ng modernong teknolohiya at madali na rin ang komunikasyon ay marami pa ring mga tao sa mundo ang nakakaramdam na nag iisa sila at walang kasama.

Isa rin umano sa nagdudulot ng pagkakawatak- watak ay ang migration dahil sa trabaho, giyera at mga kaguluhan gayundin ang climate change.

Nagbigay naman ng pointers si Bishop Alarcon upang malagpasan ang pakiramdam na pagiging isolated o alienated.

Aniya isa sa rason kung bakit  mayroong isolation at pakiramdam na nag iisa ay dahil sa pride.

Ang mensahe umano ng pasko ay ang pagpapakumbaba ng Diyos na piniling bumaba at lumapit sa tao kahit ang tao ang lumalayo.

Ang pagsilang umano sa anak ng Diyos ay pagpapakita ng kaniyang awa at habag sa sangkatauhan.

Hinimok din nito ang bawat isa na magpakita ng malasakit, buksan ang tainga at puso sa pangangailangan ng kapwa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *