DILG, paiimbestigahan ang usapin sa perang pampasuweldo sa mga kawani ng barangay na ipinambayad umano sa personal na utang ng treasurer

Ipapabusisi ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang usapin hinggil sa perang pampasweldo sa mga kawani ng Barangay Bitan-o, Sorsogon City na diumano’y ipinambayad ng kanilang barangay treasurer sa personal na utang nito.

Ito ay matapos na maipresenta sa programang Tira Brigada ng Brigada News FM Sorsogon ang nasabing usapin kung saan umamin mismo ang inaakusahang barangay treasurer sa kanyang pagkakasala at nangakong haharapin ito.

Sa panayam ng Brigada News FM Sorsogon kay John Dela Rama, Program Manager ng DILG Sorsogon, sinabi nito na kailangan na malaman ng kanilang local DILG Officer sa Sorsogon City kung ano ang puno’t-dulo ng pangyayari para makita kung ano ang maaaring maging remedy rito.

Aniya, papupuntahan nila ang barangay para sa imbestigasyon pati na ang nadadawit na 3rd party at magbibigay sila agad ng update hinggil sa kaso.

Dagdag pa ni Dela Rama na bagama’t mayroong paglabag ang barangay treasurer na maaaring pumasok sa malversation at dishonesty, nasa kamay pa rin umano ng Punong Barangay kung tatanggalin niya ito o pananatilihin sa puwesto.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *