DOH-Catanduanes, ibinahagi sa publiko ang ‘intervention program’ ng ahensya para sa mga may mental health disorders kasunod ng mga suicide incident sa probinsya

CATANDUANES—Kasunod ng mga naiulat na insidente ng pagpapakamatay sa islang lalawigan ng Catanduanes, inihayag ni DOH Provincial Officer Dr. Robert John Aquino na mayroong programa ang ahensya para sa mga indibidwal na nakakaranas ng depresyon.

Ayon kay Aquino, mas lalong dumami ang kaso ng depresyon hindi lamang sa probinsya kundi maging sa ibang bahagi ng bansa, mula ng magkaroon ng pandemya.

Madalas na itinuturong sanhi nito ang pagkakaroon ng stress; domestic violence; mga hindi nakayanang problema at mabibigat na pangyayari sa buhay na kapag hindi nalabanan ay nauuwi sa pagkiltil ng sariling buhay.

Ibinahagi ng doktor na mayroong intervention program ang Department of Health para sa mga nakakaranas hindi lamang ng depresyon kundi maging ng iba pang mental health disorders.

Sa nasabing programa, libreng maibibigay sa mga ito ang serbisyong medikal ng mga mental health expert pati na rin ang libreng gamot.

Payo ni Aquino, malaking bagay ang pagkakaroon ng pag-uusap at kwentuhan ng isang pamilya upang magkaroon ng pagkakataong mailabas o maihayag ang saloobin ng bawat isa.

Mahalaga rin na ma-monitor ang kilos ng mga kasamahan sa bahay upang maiwasan ang ganitong mga insidente.

Matatandaan na sa loob lamang nitong buwan ng Agosto, dalawang insidente agad ng pagpapatiwakal ang nangyari sa magkaibang bayan ng Catanduanes na kinasangkutan ng isang tricycle driver mula sa Virac at isang Barangay Health Worker mula sa bayan ng San Andres.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *