DOH, pinaalalahanan ng dalawang mambabatas kaugnay sa paraan nila ng pamamahagi ng covid-19 vaccine sa iba’t-ibang lugar sa bansa

Pinaalalahanan ng dalawang doktor na mambabatas ang Department of Health (DOH) na pag-aralang mabuti ang kanilang sistemang “shotgun therapy” sa pamamahagi ng  COVID 19 vaccine na sinasabing maling approach para pigilan ang pagkalat ng coronavirus.

Ayon kina Quezon Rep. at House Committee on Health Chairman Angelina Tan at  Iloilo Rep. Janette Garin, dapat  ay proactive at hindi  reactive ang pairalin sa vaccine distribution sa iba’t-ibang lugar sa bansa para makasigurong mas maraming indibidwal ang makakatanggap ng proteksiyon.

Ipinaliwanag ni Cong. Tan na ang basehan ng pamamahagi ng bakuna ng DOH ay kung mayroong surge o pagdami ng Covid-19 cases sa isang lugar, kung saan aniya, mayroong buffer stock o itinatabing bakuna ang DOH para kung mayroong mga kaso sa isang lugar ay saka ito ibibigay na para sa mambabatas ay hindi tama.

Aniya, may covid-19 surge man o wala, dapat na makatanggap ng sapat at balanseng suplay ng bakuna ang bawat lokal na pamahalaan.

Sa panig naman ni Cong. Garin, pinaalalahanan nito ang DOH na “prevention is still better than cure”

Aniya, hindi tamang parameter na kung saan may mga kaso ay doon lamang magbibigay ng bakuna.

Nasasayang umano ang panahon na mas marami na sana ang mabibigyan nang proteksyon kaysa sa itinatago ang bakuna at naghihintay kung saang lugar mas kakailanganin ito.

Mababatid na ang priority vaccination areas sa kasalukyan ay ang  Metro Manila, Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Pampanga, Rizal, Metro Cebu at Metro Davao subalit dahil sa tumataas na kaso sa Visyas at Mindanao ay isinama na rin list of priorities sa bakuna ang mga lungsod ng Baguio, Tuguegarao, Naga, Legazpi, Bacolod, Iloilo, Dumaguete, Cagayan de Oro, Zamboanga at General Santos.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *