Gobernador ng Catanduanes, inatasan ng Ombudsman na magsumite ng ‘counter affidavits’ kaugnay ng kasong administratibo at kriminal na isinampa laban sakanya

CATANDUANES—Inaatasan ngayon ng Ombudsman si Catanduanes Governor Joseph Cua, na maghain ng kanyang counter affidavits sa  loob ng sampung araw. Ito ay kaugnay ng kasong administratibo at kriminal na isinampa laban sakanya ng isang residente sa lalawigan at umano’y empleyado ng LGU na nagngangalang Andy Po.

Ayon sa order na ibinaba ng Ombudsman, hinihingan nila ng komento ang opisyal hinggil sa prayer o kahilingan ni Po na isailalim sa “preventive suspension” si Cua.

Matatandaang nitong Hunyo 9, 2020 unang pumutok ang balita hinggil sa pagsasampa ni Po ng kasong administratibo kay Cua na kinabibilangan ng grave misconduct, grave abuse of authority at violation of oath of office habang sa kasong kriminal naman ay ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Isa sa naging basehan ni Po sa mga isinampa niyang kaso ang tungkol sa pagkasira ng tinatawag nilang “Kinaw” sa Brgy. Palnab del Sur sa bayan ng Virac, matapos na pahintulutan ng opisyal ang construction activity dito para sa Shipyard Project kahit walang kaukulang permit.

Ayon kay Po, walang halong pulitika ang kanyang naging hakbang at ginawa niya ito bilang isang pribadong indibidwal at hindi bilang isang LGU employee.

Hangad niya lamang umano ang hustisya para sa mga taga Palnab lalo na at nag-iwan ng pinsala sa kalikasan ang nasabing aktibidad.

Kasalukuyan pang nakikipag-ugnayan ang Brigada News FM-Bicol sa tanggapan ni Governor Cua, upang hingin ang kanyang panig hinggil dito.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *