Higit P3M halaga ng iligal na droga, nasabat sa Pagbilao, Quezon

Mahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isang high-value drug personality matapos masamsam sa kanya ang higit sa 3 milyong pisong halaga ng iligal na droga sa isang buy-bust operation na isinagawa sa Barangay Sta. Catalina, Pagbilao, Quezon.

Kinilala ng Quezon Police Provincial Office ang naarestong suspek na si Samuel Marino alyas Sam, 23-anyos, at residente ng nasabing barangay.

Ayon sa ulat ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Quezon PPO, si Marino ay naaresto matapos siyang magbenta ng iligal na droga sa operatiba na nagpanggap na poseur-buyer.

Nakumpiska sa nasabing operasyon ang labing-limang sachet at isang knot tied plastic bag ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang 180 gramo at mayroong street value na P3,672,000.

Ayon sa Quezon PNP, matagal na nilang minamanmanan si Marino dahil sa kanyang mga drug activities.

Sa kasalukuyan, ang naarestong suspek ay nasa kustodiya na ng Pagbilao MPS habang inaayos ang mga dokumento para sa reklamong kanyang kakaharapin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *