ICC, nabigyan umano ng maling impormasyon ukol sa drug war sa Pilipinas – Sen. Sotto

Naniniwala si Senate President Vicente Tito Sotto III na mali at hindi patas ang mga datos na nakuha ng dating prosecutor ng International Criminical Court (ICC) na si Fatou Bensouda tungkol sa drug war ng Duterte administration.

Sa report nito, tinukoy na may 12,000 hanggang 30,000 napatay sa gitna ng drug war at lumalabas na kagagawan umano ng mga pulis ito.

Sinabi ng Senador na malinaw na galit sa administrasyon ang nagpadala ng impormasyon na sinasadya ang pagpatay sa mga sangkot sa bentahan ng iligal na droga.

Isinama rin daw sa bilang ang mga napatay na walang kinalaman sa drug war.

Ayon sa mambabatas, kung susuriin ang datos ng Philippine National Police (PNP) mula sa kasagsagan ng oplan tokhang, libo-libo aniya ang naaresto at sumuko at nasa 3,000 ang napatay.

Nangangahulugan aniya na ito na hindi talaga target ng administrasyon na patayin o ipapatay ang mga drug suspect.

Umaabot din aniya sa 85 percent ng mga drug cases ngayon ang umuusad, hindi aniya katulad ng mga nagdaang administrasyon na nasa 50 percent ng drug cases ang ibinasura ng korte.

Dahil dito, mungkahi ng Senate President na payagang pumunta dito sa Pilipinas ang mga kinatawan ng ICC at hayaang mag-obserba at imbestigahan ang drug war sa bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *