Ilang alkalde sa Albay naglabas ng hinaing sa mabagal na COVID-19 vaccine delivery

BICOL—Ang mabagal na pagdating ng mga bakuna ang siyang nakikitang rason ng ilang alkalde sa lalawigan ng Albay kung bakit natatagalan din ang kanilang COVID-19 vaccination rollout.

Ganito ang parehong naging sentimiento nina Daraga Mayor Vic Perete at Sto. Domingo Mayor Jun Aguas.

Sa isang panayam inamin ng dalawa na malayo pa sila sa target na mabakunahan ang 70% ng kanilang populasyon upang makamit ang herd immunity.

Ayon sa mga ito, nasa mga kamay ng Department of Health (DOH) at ng Provincial Health Office (PHO) ang susi upang mapabilis din nila ang pagbabakuna dahil umaasa lamang sila sa bilang ng mga doses na naka-allocate at kung gaano ito kabilis maideliver.

Sa bayan ng Sto. Domingo, nasa 800 pa lamang umano ang nababakunahan mula sa A1 to A3 priority grousp hanggang kahapon.

Sa bayan naman ng Daraga, halos tapos na ang A1 habang naghihintay pa ng karagdagang vaccine doses ang A2 at A3.

Maliban sa dalawang alkalde, ganito rin ang naging hinaing ng iba pang alkalde sa lalawigan gaya nina Guinobatan Mayor Anne Gemma Ongjoco at Oas Mayor Domingo Escoto Jr.

Una nang sinabi ng DOH Bicol na ang National Government ang nagdedesisyon kung ilang doses ng bakuna ang ibibigay sa rehiyon habang ang mga probinsya naman ang tumutukoy sa vaccine allocations sa bawat sakop nitong lokalidad base sa assessment ng COVID-19 cases sa kanilang lugar at sa kanilang isinumiteng master list.

Kahapon, 10,000 vials ng Coronavac o ang bakunang gawa ng Sinovac ng China at nasa 2,400 doses naman ng Sputnik V o ang bakunang gawa ng Gamaleya mula sa Russia ang dumating sa Legazpi City airport.

Pero hindi kabilang ang mga nabanggit na bayan sa mga mabibigyan nito dahil ang bakunang gawa ng Gamaleya lamang ang maiiwan sa Albay na para sa lungsod ng Legazpi at Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) para sa pilot rollout.### || SLM

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *