Inflation rate sa bansa, bumagal sa 6.3% nitong Agosto

Bahagyang bumagal ang headline inflation rate ng bansa, ‘o ‘yung antas ng pagbilis ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, bumagal sa antas na 6.3% ang inflation rate nitong Agosto – 0.1% na mas mabagal sa 6.4% na inflation noong Hulyo.

Ibig-sabihin, ang halaga ng piso noong 2018 ay katumbas na lamang ng P0.86 nitong Agosto.

Dahil dito, ang year-to-date na average inflation ng Pilipinas ay naitala sa 4.9% – mas mataas pa rin sa 2-4% range na target ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Ang Zamboanga Peninsula ang nakapagtala ng pinakamabilis na inflation nitong Agosto sa 9.1%.

Samantala, ang core inflation naman ay naitala sa 4.6% – mas mabilis sa 3.9% nitong Hulyo.

Ang ‘core inflation rate’ ay ang sukatan sa mga products at services na hindi mataas ang price volatility kagaya ng ilang commodities.

NEDA, tiniyak na may sapat na pagkain sa bansa kasabay ng bahagyang pagbaba ng inflation rate nitong buwan ng Agosto

Ipinagmalaki ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang hakbang na ginagawa ng pamahalaan para mapababa ang inflation rate o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa.

Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, malaking bagay ang mga subsidy program ng gobyerno na nakatutulong sa farming at food system para mapababa ang presyo ng mga bilihin.

Aniya, sa ngayon ay tinitiyak nilang may sapat na pagkain sa bansa lalo na para sa mga mahihirap.

Patuloy aniya ang kanilang mga programa para mabawasan ang transport at logistics cost nang sa gayon ay mas matugunan ang inflation.

Samantala, iniulat naman ni Balisacan na sa kasalukuyan ay hindi lamang ang Pilipinas ang nakakaranas ng mataas na inflation.

Sa katunayan raw, maging ang ibang mga bansa sa South East Asia ay nakakaranas din ng mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin kagaya sa Thailand at Singapore.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *