Jeepney drivers, humirit ng P5 na dagdag pasahe

Hinimok ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) ang gobyerno na aprubahan ang P5 na dagdag pasahe dahil sa nagpapatuloy na pagsipa ng presyo ng langis.

Sinabi ni FEJODAP president Ricardo “Boy” Rebaño na tila para sa public service at hindi na para kumita ang ginagawa ngayon ng mga jeepney drivers sa panahon ngayon.

Iginiit niya na natutuwa naman silang magserbisyo sa kapwa Pilipino, pero nanawagan rin sila sa gobyerno na wag naman sana na panoorin lamang sila nito na naghihirap.

Noong Sabado ay sinabi ng Unioil Petroleum Philippines na inaasahan ang pagtaas ng presyo ng langis ngayong linggo, na ika-siyam na sunod na beses na ngayong taon.

Inihayag ng kompanya na tataas ang kada litro ng diesel ng 80-centavos hanggang 90-centavos habang ang gasolina naman ay maaring umakyat ng 90-centavos hanggang isang piso kada litro.

Ipinunto naman ni Rebaño na magdadaos ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng pagdinig sa March 8 kaugnay sa kanilang apela na P5 na dagdag pasahe.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *