Kahilingan ng mga tricycle driver na P15.00 na pamasahe, pinayagan na ng LGU Cauayan City

Epektibo na ang kahilingan ng mga tricycle driver sa lunsod ng Cauayan na gawing 15 pesos ang minimum fare sa Poblacion Area matapos umano itong bigyang basbas ng City Government.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay POSD Chief Ret. Col. Pilarito Mallillin, ito ay probationary o temporary lamang habang nararanasan ang walang prenong taas sa presyo ng gasolina.
Aniya, ito umano ang kanilag napag-usapan na increase sa pamasahe mula sa dating 13 pesos na minimum fare.
Mananatili naman aniya sa apat na pasahero ang full capacity na sakay ng mga tricycle.
Paliwanag din niya na kapag nagkaroon na ng rollback at bumalik na sa normal na presyo ng gasolina ay ibabalik din sa dating P13.00 ang pamasahe.
Sinabi pa ni POSD Chief Mallillin, kailangan din kasing amyendahan muna ang ordinansa na nagpapatibay sa 13 pesos na minimum fare bago tuluyang ipatupad ang 15 pesos.
Aniya, nakadipende rin ito sa layo ng pupuntahan ng mga pasahero kung saan magdagdag ang mga ito ng P1.50 sa kada kilometro.
Kaugnay nito ay nakiusap naman aniya ang City Government na huwag sobra ang paniningil ng pamasahe ng mga tsuper dahil kawawa rin ang mga mananakay na apektado ng mataas na presyo ng mga iba pang bilihin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *