Kamara, tututukan ang pagpasa ng mga batas na magpapatibay sa national defense

Kinumpirma ni House Speaker Martin Romualdez na pagtutuunan nila ng pansin ang pagpasa sa mga panukalang batas na magpapatibay sa international security posture ng bansa sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na linggo.

Sa kanyang mensahe sa ginanap na Foreign Policy Forum sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs ngayong umaga, sinabi ni Romualdez na tututukan nila ang pagpapalakas sa national security at defense na kumikilala sa kapayapaan bilang pundasyon ng kaunlaran.

Mahalaga aniya ang pagprotekta sa soberanya at pagkamit sa development goals nang walang hinaharap na external threats.

Ibinida rin ni Romualdez na itinaguyod ng Mababang Kapulungan ang proactive engagement at kooperasyon alinsunod sa foreign policy ni Pangulong Bongbong Marcos na “a friend to all and enemy to none”.

Paliwanag pa ng House Speaker, sa gitna ng nangyayaring hidwaan at pagtama ng kalamidad sa Middle East dulot ng climate crisis ay lalong dapat umiral ang kolaborasyon at pagtutulungan sa pagtugon sa mga suliranin sa halip na maging mapag-isa.

Idinagdag naman nito na sa ilalim ng administrasyong Marcos ay binuhay at pinalalim pa ang international relationships na nagbibigay-diin sa papel ng Pilipinas sa regional politics at sa seguridad.

Kabilang na rito ang makasaysayang trilateral summit sa pagitan ng Pilipinas, Estados Unidos at Japan at ang matagumpay na hosting ng 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *