‘Kasalan sa Barangay’ sa Padang, Legazpi City, isinagawa ngayong araw

LEGAZPI CITY – Isang ‘Kasalan sa Barangay’ ang isinagawa sa Brgy. Padang, lunsod ng Legazpi ngayong araw.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Kap. Harold Bembenuto, sinabi niya na ang nasabing kasalan ay mismong inisyatibo ng kanilang barangay.

Aniya, sila mismo ang nag-organisa ng nasabing aktibidad kung saan makikinabang ang mga magkapareha na kasalukuyan nang nagsasama.

Trending kasi umano ang isyu tungkol sa divorce at sa kabila nito, sinikap nilang maging psoible ang nasabing aktibidad upang maibigay at maranasan nila ang mga benepisyo, at mabigyan sila ng basbas ng kasal.

Malaking bagay, aniya, na naipatupad ang nasabing aktibidad dahil matagal na rin naman nilang pinapangarap na maging ganap na mag-asawa sa pamamagitan ng kasal.

Sinabi ng opisyal, ito na ang pangalawang pagkakataon na nagsagawa sila ng kasalan.

Sinimulan ang seremonya ng aktibidad kaninang alas nwebe ng umaga at nasa labindalawang pares ang nakiisa.

Samantala, ayon sa kanya, upang hindi madama ng mga pares na isang simpleng mass wedding lamang ito, nagsagawa rin sila ng programa pagkatapos ng kasal sa Padang Memorial Shrine kung saan ipapakita rin ang mga tradisyon sa kasal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *