LGU Castilla, nagpatupad ng curfew ordinance sa mga kabataan matapos ang insidente ng pananaksak sa isang menor de edad

Ipinag-utos ng Lokal na Pamahalaan ng Castilla ang mahigpit na pagpapatupad ng Section 41 ng kanilang Municipal Ordinance  No. 03-2020 o ang Revised Children Code.

Sa Executive Order No. 2023-034 na ipinalabas ni Mayor Bong Mendoza, ipinag-uutos nito sa lahat ng Barangay Council for Protection of Children o BCPC, Castilla MPS, mga Barangay Official at lahat ng mga force multipliers ang mahigpit na pagpapatupad ng curfew para sa mga kabataang edad 18- anyos pababa pagtungtong ng alas dies ng gabi hanggang alas kwatro ng madaling araw sa buong bayan ng Castilla. 

Ito ay upang masiguro ang kanilang kaligtasan at mapanatili silang nasa loob ng mga tahanan at makaiwas sa mga insidente ng karahasan, aksidente sa mga kalsada at pagkakaroon ng mga bisyo.

Upang maiwasan din ang anumang hindi mga kaaya-ayang pangyayari na madalas ay hindi naiiwasan ng mga kabataan dahil sa iba’t ibang mga impluwensya.

Ayon pa sa LGU, ang nasabing  Executive Order ay base na rin sa insidente ng pagkamatay ng isang 16 na taong gulang na binata mula sa  Barangay Cumadcad kung saan nangyari ang insidente alas dos ng madaling araw na saklaw ng curfew hour.

Pinagbatayan din ng EO ang ulat ni Local Youth Development Officer Apryll Ravago sa Sangguniang Bayan ng diumano’y pagtaas ng kaso ng mga Children At Risk  at Children In Conflict with the Law sa bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *