Lola, patay sa pananaga ng sariling apo; tiyahin, sugatan din sa Guinobatan, Albay

LEGAZPI CITY – Sa hindi pa malaman na dahilan, pinagtataga-patay ng sariling apo ang kanyang lola, habang sugatan ang tiyahin nito sa P-7, Sitio Binti, Brgy. Minto, bayan ng Guinobatan, Albay.

Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Flora Lucena Ordoño, 65 anyos, habang sugatan naman si Nida Ordoño Timkang, 34 anyos, tiyahin ng suspek.

Sa imbestigasyon ng Guinobatan Municipal Police Station, bigla na lamang umanong sumugod ang suspek na si Gilberto Ordoño Guiriba, 23 anyos bitbit ang isang bolo.

Nakita ng tiyahin na sinisigawan ng suspek ang kanyang ina, habang hawak ang nasabing patalim.

Maya-maya pa ay nilapitan ng biktima ang suspek subalit pinagtataga ito ng paulit-ulit kaliwang braso at ulo.

Sinubukan pang pakalmahin ng tiyahin ang suspek, subalit, tinaga na rin sya nito habang tumakas si lola Flora sa loob ng kanilang tirahan at dito na sinundan pa ng suspek.

Matapos ang krimen, tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon, subalit kinalaunan, naaresto rin ng mga otoridad sa ikinasang hot pursuit operation.

Itinakbo naman sa pinakamalapit na ospital ang dalawang biktima, subalit dead on arrival na si lola Flora, habang nagpapagaling na rin ang anak nito.

Inihahanda na rin ang kasong isasampa laban sa suspek, habang patuloy nang iniimbestigahan ang motibo sa krimen.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *