Love triangle, tinitingnang motibo sa pamamaril sa isang babae sa Batangas

Crime of passion at personal grudge ang tinitingnang motibo ng mga awtoridad sa nangyaring pamamaril sa isang 30-anyos na babae habang sakay sa tricycle sa Brgy. Santor, Tanauan City, Batangas.

Kinilala ng Tanauan City Police Station ang biktima na si Keesha Anne Lerpido Pamplona, dental clinic staff at residente ng Brgy. Janopol Oriental ng naturang lungsod.

Sa panayam ng Brigada News FM Batangas kay Lt. Col. Karlos Lanuza, chief of police ng Tanauan CPS, love triangle ang posibleng puno’t-dulo ng pamamaril.  

Dagdag pa nito na may mga person of interests na sila ngunit tumanggi muna ang opisyal na banggitin ang relasyon ng biktima sa mga suspek.

Ayon sa unang lumabas na imbestigasyon, naka-back ride sa tricycle ang biktima ng biglang lapitan ng riding in tandem suspects na sakay sa kulay rosas na motorsiklo.  

Sinubukan umano ng isa sa mga suspek na agawin ang bag ng biktima ngunit tumanggi ito dahilan para siya ay barilin sa ulo.

Agad na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril at naiwang duguan ang biktima sa likod ng tricycle.

Sinabi ni Col. Lanuza na isinugod pa sa Laurel District Memorial Hospital ay ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.  

Narekober sa crime scene ang isang basyo ng kalibre 45 na armas habang kinumpiska ng mga awtoridad ang sinakyan nitong tricycle na walang plate number.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa naturang insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published.