Mag-amang iligal na gumagawa ng baril at sangkot sa gun-running activities, arestado

Nasakote ng mga tauhan ng PNP-CIDG sa Rizal ang mag-ama na ilegal na gumagawa ng baril at sangkot umano sa gun-running activities sa isinagawang search warrant operation.

Ayon kaya CIDG Director PMGen Romeo Caramat Jr., ang mga suspek na kinilalang sina alias “Cesar” at alias “Zeus” ay nahuli sa kanilang operasyon na bahagi ng OPLAN “Paglalansag Omega” sa Brgy. San Jose, Antipolo City, Rizal noong Martes.

Ang pagkaka-aresto sa dalawa ay bunsod ng mga impormasyon mula sa mga naaresto na sa nakaraang operasyon laban sa loose firearms noong July 2023 sa Baras, Rizal.

Ang mga suspek umano ang pangunahing pinagkukunan at binibilhan ng mga baril na ginagamit sa iligal na aktibidad.

Sa operasyon, nakumpiska ang 13 iba’t-ibang units ng baril, 222 rounds ng assorted ammunition, 9 assorted magazines, at 1 rifle scope.

Sinabi ni Caramat na ang pagkakaaresto sa mga suspek at pagkakasamsam ng mga baril ay makatutulong sa pagpigil sa pagkalat ng iligal na armas at krimen sa CALABARZON at mga kalapit na lugar.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *