Mataas na electric bill sumalubong sa mga kunsomidores ng Canoreco ngayong buwan

CAMARINES NORTE – Sinalubong ng mataas na bayarin sa kuryente ang mga kunsomidores ng Camarines Norte Electric Cooperative ngayong buwan.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag ng Canoreco na tumaas ang billing rates para sa buwan ng Hunyo.

Ang residential rate ay umabot na sa Php10.6891 per kWh  kumpara sa Php9.1443 per kWh lamang noong nakaraang May 2021 billing. Ang low voltage rate ay Php9.7355 per kWh at ang high voltage rate naman ay Php8.1248 per kWh kaya nagkaroon ng pagtaas na nasa Php1.5448 per kWh.

Paliwanag ng naturang kooperatiba ng kuryente na ang pagtaas na ito ay bunsod ng pagtaas ng Generation Charge na  resulta ng mas mataas na average rate ng kuryente sa Aboitiz Power Renewables Inc. (APRI) na apektado namn ng mataas na presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Dahil ito sa pagbaba ng nasa 34% ng average supply margin ng kuryente kumpara noong Mayo na dahil naman sa mataas na demand o pangangailangan sa kuryente ngayong panahon ng tag-init na sinabayan pa umano ng mga hindi planadong outage ng mga power generators.

Mas mataas din ang Newcastle Coal Index at US Consumer Price Index components sa billing ng APRI noong supply month ng May 2021.

Mayroon ding pagtaas sa System Loss Charge. Ang sytem loss ay ang nawawalang kuryente dulot ng pagnanakaw ng ilang tao sa pamamagitan ng pag- bypass ng metro o iligal na pagta- tap sa sistema.

Sa kabilang dako, bumaba naman ang Transmission Charge dahil sa mas mababang average transmission rate sa billing ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Bahagyang bumaba rin ang Lifeline Subsidy, VAT Charges at GRAM/ICERA.

Ang Generation Charge ay nagbabago kada buwan dahil apektado ito ng presyo sa  WESM, power plants dispatch, fuel prices, forex rates at seasons kung kailan binili ang kuryente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *