Mga armas at kagamitan ng NPA, narekober sa isang kweba sa Kalinga

Narekober ng mga kasapi ng 50th Infantry Battalion sa isang kweba sa bahagi ng Sitio Ligayan, Balantoy, Balbalan, Kalinga ang mga armas at kagamitan ng rebeldeng pagkat ng New People’s Army o NPA.

Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa 5th Infantry Division ng Philippine Army, ang naturang kweba ay nagsilbing imbakan ng mga rebelde kung saan natunton naman ito ng kasundaluhan sa tulong mga residente roon.

Narekober ang isang M16 rifle na baril, long magazine na naglalaman ng 20 piraso na mga bala, isang bandolier, tatlong metro ng electrical wire, tatlong tent, iba’t-ibang mga gamot, subersibong mga dokumento, at ilang mga personal na kagamitan.

Isinalaysay ng mga residente na hindi katanggap tanggap ang presensya ng komunistang grupo sa kanilang lugar dahilan upang isuplong sa otoridad ang nasabing kweba na imbakan ng mga armas upang hindi na rin balikan pa ng mga rebelde.

Ayon pa sa residente, naideklara nang persona-non-grata ang mga NPA kaya’t nanindigan ang mga ito na mapanatili ang kapayapaan sa kanilang lugar.

Nagpasalamat naman si 5th ID Commander MGen Laurence Mina sa kooperasyon ng mga residente upang matuldukan na ang problema sa insurhensiya sa kanilang nasasakupan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *