Mga naging bahagi ng rescue at retrieval operation para sa Cessna plane crash victims sa Albay, nakatakdang bigyang-pagkilala ngayong araw

LEGAZPI CITY – Nakatakdang bigyan ng pagkilala ngayong araw, Marso 6, ang mga responders na naging bahagi ng search, rescue at retrieval operation na nagsakripisyo at tumulong nang buong puso upang matagumpay na maibaba ang mga bangkay ng apat na sakay ng bumagsak na Cessna 340 aircraft.

Ayon kay Incident Management Team (IMT) commander at Camalig Mayor Caloy Baldo, ang pagkilala ay gaganapin sa Flag Raising Ceremony ng lokal na pamahalaan ng nasabing bayan.

Aniya, tunay na mga bayani ang lahat ng mga responders na naging bahagi upang matagumpay na maibaba ang mga bangkay ng biktima, kung kaya’t karapat-dapat lamang na mabigyan sila ng pagkilala.

Sa kabila ng panganib, sinuong nila ang pagod, puyat at lamig upang maibaba ang mga bangkay.

Samantala, inanunsyo naman ni Albay Gov. Edcel “Grex” Lagman na magkakaroon din ng Araw ng Parangal para sa mga responders ngayong darating na Marso 13 para sa lahat ng tumulong sa operasyon sa pamahalaang panlalawigan.

Kung matatandaan, noong nakaraang Marso 2 nang makompletong maibaba ang katawan ng lahat ng biktima sa Brgy. Anoling ng nasabing bayan, kung saan ay inabot ito ng 12 araw bago tuluyang maibaba ang lahat ng mga bangkay. | JEFFREY ALTAVANO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *