Mga trabahador sa isang proyekto ng KALAHI CIDSS sa bayan ng Basud  na ilang buwan nang hindi pa nababayaran dumulog na sa Sangguniang Bayan

CAMARINES NORTE – Nagpapasaklolo na sa Sangguniang Bayan ang ilang mga trabahador na ilang buwan na umanong hindi nababayaran sa isang proyekto ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services o KALAHI-CIDSS sa bayan ng Basud, Camarines Norte.

Reklamo ng mga ito Nobyembre pa natapos ang kanilang trabaho pero hanggang ngayon ay wala pa silang nakukuhang kabayaran kaya napilitan nang dumulog sa SB sa pag- asang matutulungan sila.

Hindi nakarating  sa regular na sesyon ng SB noong Lunes ang focal person ng KALAHI dahil dumalo umano ito sa isang seminar sa labas ng probinsiya pero nagpadala ng kinatawan.

Paliwanag ng kinatawan mula sa KALAHI na mayroon talagang natukoy na mga trabahador partikular sa isang proyekto sa Barangay Tuaca na hindi pa napapasahod dahil wala pa umanong mga kinakailangang dokumento.

Itinanggi naman ito ng isang nagrereklamo at iginiit na kumpleto sila ng mga dokumento pero ang problema pinagpapasa- pasahan lang daw sila.

Ayon naman kay Municipal Engineer Hector Ubana, nagkaproblema daw talaga ang proyekto dahil napabayaan ito noong dating Engineer ng KALAHI na ngayon ay tinanggal na raw ng Department of Social Welfare and Development.

Sa kabila nito, hindi raw nagpapabaya ang Lokal na Pamahalaan para matulungan ang mga apektadong trabahador. Sa katunayan ay mayroon nang serye ng mga pag uusap ukol dito.

Upang mas malinawan ang isyu, iimbitahan uli ng konseho ang focal person ng KALAHI sa regular na sesyon sa Lunes upang magbigay linaw hinggil dito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *