Nagwala umanong customer, binaril ng sekyu sa isang drug store sa Lipa City, Batangas

Sugatan ang isang customer matapos na barilin ng security guard dahil umano sa pagwawala at pinagtatapon ang mga paninda sa loob ng Mercury Drug Store sa J. P. Laurel Highway, Brgy. Sabang, Lipa City.

Kinilala ang biktima na si Lissa Marrie Cabanhon y Datuin, 32 anyos, isang technician at residente ng Brgy. San Carlos, Lipa City.

Ang sekyu namang naaresto ay kinilalang si Enesto Precilla y Andaya, 50 anyos at residente ng Purok 5, Brgy. Talisay, Lipa City.

Sa panayam kay Lt.Col. Ariel Azurin, hepe ng Lipa City Police Station, pumasok umano sa naturang drug store ang biktima at kumuha ng mga items na kanyang pinasok sa bulsa noong Sabado ng umaga, Pebrero 11, 2023.

Sinita ito ng sekyu dahilan para magalit ang biktima saka pinagtatapon ang mga paninda sa loob.

Mas naging agresibo pa ang biktima at naglabas ito ng cutter na kanyang dala at tinangkang sugatan ang sekyu gamit ang patalim.

Dahil dito ay binunot ng sekyu ang kanyang armas at binaril sa tiyan ang biktima.

Agad na isinugod sa Medix Medical Center ang biktima ng mga rumespondeng pulis habang inaresto naman ang sekyu.

Kinumpiska sa kanya ang kalibre 38 na armas at cutter ng biktima.

Ayon kay Azurin, inaaresto ang sekyu dahil naging sobra umano ang kanyang ginawa at nagawang barilin ang biktima.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *