P3.4M halaga ng shabu, nasamsam sa buy-bust sa Batangas City

Umaabot sa 3.4 million pesos na halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga awtoridad mula sa dalawang umano’y tulak sa ikinasang buy bust operation sa Diversion Road, Brgy. Alangilan, Batangas City, dakong alas-2:20 ng hapon kahapon ng Miyerkules, September 14, 2022.

Kinilala ng Batangas City Police Station ang mga suspek na sina Noel Mangubat y Dela Peña, 45 anyos, isang high value individual at Ainsley Asi y Aquino, 40 anyos, may asawa.

Sa panayam ng Brigada News FM Batangas kay Lt. Col Dwight Fonte Jr., ang hepe ng Batangas CPS, sinabi nitong umaabot sa humigit kumulang 500 gramo ng hinihinalang shabu ang narekober mula sa dalawang suspek na tinatayang nagkakahalaga ng P3,450,000.

Narekober din mula sa mga ito ang isang unit ng puting Mitsubishi adventure at cellphone.

Ayon kay Col. Fonte, ang high value individual na si Mangubat ay tatlong beses nang naaresto dahil sa kapareho pa ring kaso.  

Posible umanong nakalaya ito dahil sa plea bargaining ngunit matapos ang ilang taon ay muling bumalik sa pagtutulak ng iligal na droga.

Ang naturang operasyon ay isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), PDEA-Batangas, DEA SIU Batangas, Batangas CPS, SOU4A at PNP DEG.

Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *