Pagbawi sa resolusyon ukol sa aplikasyon sa Sta. Clara Shipping Corp. na magpatakbo ng dockyard facility sa Bacacay, pinag-uusapan na

LEGAZPI CITY – Isa isa pinakinggan ng Sangguniang Bayan ng Bacacay, Albay ang presentasyon ng mga inimbitahang ahensya ng gobyerno tulad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR),  upang pag-usapan ang pagbawi sa resolusyong ‘no objection’ sa aplikasyon ng Sta. Clara Shipping Corporation na magpatakbo ng isang dockyard facility sa Brgy. Mapulang Daga, Bacacay, Albay.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Municipal Councilor Emmanuel Alparce, sinabi nito na isa siya sa mga bumoto rito kasama ang mga konsehal para sa pagpapatakbo ng pasilidad.

Humingi umano siya ng tulong sa BFAR central office upang imbestigahan at magsagawa ng assessment sa lugar na paglalagyan ng dockyard facility.

Lumalabas umano sa imbestigasyon na napakaraming mga corals, seaweeds, isda at bakawan ang maapektuhan sakaling itayo ito na maaaring makasira ng mga kabuhayan maging ng karagatan sa buong bayan.

Malaking tulong sana ang itatayong pasilidad dahil magbibigay ito ng hanapbuhay sa mga mamamayan, subalit kung sisirain lamang umano nito ang yamang dagat, hindi nila ito papayagan.

Nilinaw din nito na walang gagastusin ang lokal na gobyerno sa pagpapagawa ng pasilidad dahil pribadong korporasyon ang gagastos nito.

Sinabi pa ni Alparce, pinayagan nila ito sa unang aplikasyon sa SB dahil sa wala pa naman umanong nakikitang problema.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *