PAGCOR, ginisa sa Senado dahil sa bigong pagpapasara sa ilang POGO

Lumarga na ang ika-apat na pagdinig ng Senate Committe on Ways and Means, kasama ang Committee on Public Order and Dangerous Drugs para malaman kung kailangan pa bang ipagpatuloy ang mga operasyon ng POGOs sa bansa.

Dito binatikos ni Ways and Means panel chair Senador Win Gatchalian ang mga opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) dahil nagpapatuloy pa rina ng operasyon ng dalawang POGO companies kahit na nasangkot ang mga ito sa ilang kidnapping incidents noong Disyembre.

Nanindigan ang Senador na tila hindi epektibo ang regulation ng PAGCOR dahil isang buwan na ang nakalipas ay wala pa ring itong nagagawa.

Mungkahi ni Gatchalian, dapat ay tuluyan nang i-ban ang dalawang POGO companies na ito na makatuntong pa ng Pilipinas.

Nangako naman ang PAGCOR officials na makikipagtulungan na sila sa Philippine National Police (PNP) at sa National Bureau of Investigation (NBI) para maresolba ang mga naturang kaso.

Sinabihan naman ng Public Order panel chair na si Senador Bato dela Rosa ang PAGCOR na imbis na matakot sila sa mga POGO – dapat ang gaming agency ang mas may kontrol sa mga operasyon nito sa bansa.

Sa ngayon daw kasi ay tila mas hawak pa sa leeg ang PAGCOR.

Aniya, kung hindi man daw aya ng Pilipinas na igiit ang ‘supremacy’ kontra China sa West Philippine Sea – sana man lang daw ay mayroon tayong kapangyarihan sa mga POGO dito sa Pilipinas.

Naniniwala rin si dela Rosa na dapat bigyan ng ultimatum ang mga POGO na kahit na isang krimen lang ang kasangkutan nito ay otomatiko na silang ipasasarado.
#

Blue Ribbon Committee, dapat mag-imbestiga sa posibleng sabwatan ng PAGCOR, POGOs, at isang ‘third-party auditor’ para sa underdeclaration ng mga kita nito

Nanindigan si Gatchalian na hindi katiwa-tiwala at hindi kwalipikado ang ‘Global Comrci’ – ang kinuhang third party auditor ng PAGCOR para sa operasyon ng mga POGOs.

Ipinakita ni Gatchalian ang iba’t ibang mga kuwestyonableng bagay sa naturang kumpanya.

Kabilang na rito ang mga retrato ng lugar kung saan naka-register ang address ng naturang auditor.

Aniya, malinaw daw na hindi ito mukhang opisina, at hindi credible para mag-audit sa POGO taxation.

Wala rin aniya itong technical capability, at palipat-lipat pa ng tanggapan.

Isiniwalat pa ng Senador na kulang ang kapital nito.

Sabi ni Gatchalian, posibleng mayroong sabwatan sa mga POGOs, PAGCOR, at sa Global Comrci dahilan para sa underdeclaration ng mga kita nito.

Dahil diyan, naniniwala ang Senador na dapat na ring mag-imbestiga ang Blue Ribbon Committee sa naturang isyu.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *