Pagdadamayan at pagtulong sa kapwa ipinaalala ng Simbahan sa panahong ito ng krisis

CAMARINES NORTE- Ipinaalala ng simbahan ang kahalagahan ng pagdadamayan at pagtulong sa kapwa sa panahong ito ng matinding krisis na dulot ng COVID- 19 at iba pang mga suliraning panlipunan.

Sa kaniyang homily sa kapistahan ni San Juan Apostol at Ebanghelista sa bayan ng Labo nitong Huwebes, binigyang diin ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon na ang pagiging martir sa panahon ngayon ay hindi na lamang ang literal na pagkamatay kundi ang patuloy na magbahagi sa kapwa.

“Ang pagiging martir ay patuloy na tumulong kahit na parang tayo na ang nauubusan, ang patuloy na maglingkod kahit na dumadagdag ang mga hamon, tungkulin at panganib, ang patuloy na mag alay ng buhay kahit na ito ay parang mawala sa atin,” ani Alarcon.

Aniya, dahil sa pandemya ay marami ang pangyayari na hindi inaakala at inaasahan tulad ng mga tagumpay na tila naglaho at mga dating gawain na hindi na ngayon magawa.

Sa likod umano ng isipan at sa kaibuturan ng puso ng marami ay nagtatanong na lamang kung kailan ba ito lahat matatapos at ano pa ba ang mga problemang haharapin.

Aniya,  marami sa ngayon na ang nakakaramdam ng kawalan ng pag- asa dahil sa krisis na dulot ng COVID- 19.

Pero sa gitna umano ng lahat ng ito ay hindi dapat mawalan ng pag- asa ang bawat isa dahil hindi aniya nagpapabaya ang Diyos.

“Para tayong nilulublob sa kumukulong langis, dahan- dahang nalulunod sa komunoy ng mga problema, hindi nararamdaman ang pagasa na magbabago ang mga bagay, parang habang buhay  na bilango sa mga problema at suliranin, paunti- unting nauubos ang napag ipunan, bumabawas ang sigla at lakas, unti- unting nalalagutan ng hininga at ulirat.”

Samantala, nagpaabot ng pakikiramay si Bishop Alarcon sa mga taga Labo at sa pamilya ng yumaong Vice Mayor Dindo Pardo dahil sa biglaang pagpanaw nito.

Si Pardo na siyang Acting Mayor ng Labo bago binawian ng buhay ay nagsilbi ring Board Member, Mayor at Konsehal.

Pumanaw ang opisyal noong Miyerkules sa edad na 61 sa bisperas pa man din ng kaniyang kaarawan at kapistahan ng bayang kaniyang pinagsisilbihan.

Agad na inilibing ang opisyal at wala pang malinaw sa ngayon kung ano ang dahilan ng kaniyang pagpanaw.

Hinimok ng Obispo ang lahat na ipagdasal ang kaluluwa ng opisyal na hindi lamang umano naglilingkod sa bayan kundi isa ring aktibong lingkod ng simbahan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *