Pagkakaroon ng subsidiya sa lahat ng klase ng transportasyon, hiling ng mga UV drivers

Hiling ng mga Public Utility Vehicle (PUV) at SUV drivers sa Cauayan City na magkaroon ng subsidiya sa lahat ng klase ng transportasyon hindi lamang sa mga jeepney drivers dahil sa matumal na pasada ngayon pandemya.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay G. Maximo Lagundino, isang UV Express driver, sa kalagayan ng mga namamasada ngayong panahon ng pandemya na sinabayan pa ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ay hiling nila na magkaroon din ng subsidy para sa kanilang mga UV Express driver.

Aniya, kada araw ay isang biyahe lamang mula Cauayan City-Tuguegarao City o vice versa ang kanilang isinasagawa dahil wala na umanong pasahero kung magdodoble trip pa.

Dagdag pa niya, ayon sa kanilang protocol ay siyam (9) lamang na pasahero ang dapat nilang isakay ngunit sa tuwing biyahe ay nasa lima o anim lamang ang kanilang nagiging pasahero.

Swertehan na lamang umano kung sa isang araw ay kikita sila ng 1,000 pesos ngunit madalas ay nasa 500 lamang ang kanilang nakita at inaabonohan pa ang pang-gas.

Ilan aniya sa kanila ay sa terminal na natutulog upang makatipid sa gasoline at mga hindi nakabiyahe dahil sa kawalan ng pasahero.

Sa ngayon, ay hindi pa aniya sila kabilang sa 70% capacity na ipinapatupad ngayon sa Metro Manila ngunit kung ito ay maaprubahan ay maaari na silang magsakay ng 10 hanggang 12 pasahero.

Wala rin aniyang maibigay na tulong ang kanilang kooperatiba kung saan halos wala nang pondo dahil matagal silang natigil sa pamamasada dulot ng quarantine restrictions.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *