Paglalagay ng libreng wifi sa mga liblib at tagong lugar sa Catanduanes, tinututukan na ng DICT

BNFM BICOL—Inihayag ni DICT-Catanduanes Provincial Officer – Engr. Norly Tabo, na tinututukan na ngayon ng kanilang ahensya ang paglalagay ng “internet connectivity” sa mga “geographically isolated” o mga liblib at tagong lugar sa islang lalawigan.

Ginawa ng opisyal ang pahayag kasabay ng kanilang pag-anunsiyo na inilunsad nitong nakaraang araw ang karagdagang 50 bagong wifi sites sa 17 lokasyon sa probinsya.

Matatagpuan ang mga bagong installed na wifi sa mga pampublikong lugar partikular sa Municipal Plaza ng Viga, Panganiban, Bagamanoc, Pandan, Caramoran, Bato, San Miguel, Gigmoto, at Baras. Gigmoto District Hospital, Pandan District Hospital, Juan M. Alberto Memorial Hospital, Viga District Hospital at Eastern Bicol Medical Center.

Naglagay din ang DICT sa Catanduanes State University at sa loob ng Provincial Capitol.

Dagdag pa ni Tabo, nasa 136 na sana ang kabuuang bilang ng pampublikong wifi sa isla ngunit ang ilan sa mga ito ay nasira nang manalasa ang Super Typhoon Rolly noong 2020.

Ang paglalagay ng libreng wifi sa mga pampublikong lugar sa bansa ay bahagi ng programa ng Department of Information and Communications Technology na naglalayong mabigyan ng access sa internet ang publiko.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *