Paragos hila ng kalabaw ginawang “bridal car” sa kasalang bayan

SORSOGON CITY – Naging masayang pagtitipon ng buong komunidad ang kasalang naganap kamakailan sa bayan ng Prieto-Diaz.

Nangyari ang okasyon sa Brgy. San Rafael ng nabanggit na bayan kung saan idinaos ang kasalang bayan at dinesenyuhang paragos na hila ng mga kalabaw ang ginawang bridal car.

Sa pahayag ni parish priest, Fr. Ronnie Dolosa sa Brigada News FM-Sorsogon, naisip niyang isakay dito ang mga ikakasal dahil wala umanong sasakyang maka-akyat sa matarik na lugar.

Maituturing pang liblib at malayo sa kabihasnan ang lugar, kung saan makikita pa rin dito ang isang grupo ng Indigenous People na Agta-Cimarrones kung tawagin.

Apat na paahon pa umano mula sa bayan ang aakyatin, kung saan tanging habal-habal lamang ang maaaring magamit kung hindi maulan at nagpuputik ang daan.

Binigyang diin naman ng pari ang kahalagahan ng kasal sa mga nagsasama, hindi lamang sa basbas ng simbahan kundi maging ang mga legal na implikasyon nito sa asawang babae at mga anak. Paalala nyang hindi mahal at marami ang programa ng simbahang katoliko para sa mga pamilyang gustong magpakasal at makinabang ng serbisyo nito.

PHOTOS: Fr. Ronnie Dolosa

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *