Pinsala sa sektor ng agrikultura sa Bicol Region dahil sa bagyong “Amang”, pumalo sa mahigit PHP50M

LEGAZPI CITY – Umaabot sa PHP50.84M ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Bicol Region matapos tumama ang bagyong Amang nito lamang nakaraang linggo.

Ito ay kinumpirma ni Department of Agriculture (DA) Bicol Spokesperson, Lovella Guarin, kung saan  nasa mahigit 1,000 ektarya umano ng agricultural areas sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Masbate at Sorsogon ang naapektuhan dahil sa bagyong Amang.

Ayon sa kanya, umabot din sa mahigit 1,000 metric tons ang volume ng production loss sa agrikultura, habang nasa PHP23.5M ang halaga ng pinsala sa agricultural infrastructure kabilang na ang mga irrigation systems sa rehiyon.

Sa kaparehong datos, tinatayang nasa PHP14.99M ang halaga ng pinsala sa 233 na ektarya ng mais na may 410 metric tons na produksyon at nagkakahalagang PHP8.07M ang pinsala sa rice sector na nakaapekto sa 1,017 na ektarya ng lupa at 436 metric tons ng bigas.

Nananatili naman umano sa PHP126,000 ang halaga ng pinsala pagdating sa livestock at poultry sa Sorsogon.

Sinabi pa ng opisyal, mayroong nakahandang programa ang kanilang tanggapan kung sakaling humingi ng tulong ang mga naapektuhang magsasaka.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *