PNP, hindi pa umano nakatatanggap ng anumang ulat tungkol sa posibleng pag-atake ng terorista sa bansa

SORSOGON CITY – Sa gitna ng babala ng Japan Ministry of Foreign Affairs tungkol sa mga potensyal na pag-atake sa Timog-Silangan Asya, sinabi ni Chief, PNP PGen Guillermo Eleazar na hindi pa umano sila nakatatanggap ng anumang ulat tungkol sa mga posibleng pag-atake ng terorista sa bansa, ito ang nakasaad sa kalatas na ipinalabas ng PNP-RO5 sa Bicol Media.

Gayunpaman, sinabi ng C,PNP na patuloy nilang sinusubaybayan ang mga ‘Intel reports’ na natatanggap nila sa ‘ground’ at mula sa kanilang local at foreign counterparts.

Aniya pa, patuloy ang kanilang intelligence monitoring simula pa noong atake sa 9/11 at Marawi City siege.

Patuloy din umano ang klanilang pakikipagtulungan sa military upang ma-secure ang bansa, pati na rin sa iab pang mga grupo at stakeholders sa mga pamayanan upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa lipunan.

Dagdag pa nito na mula nang mag-takeover ang Taliban sa Afghanistan, ay nakaalerto na ang mga yunit ng pulisya, lalo na ang rehiyon ng Mindanao upang mapigilan ang posibilidad ng spill-over ng karahasan sa bansa, na maaaring gawin ng mga lokal na terorista.

Una rito, nagbabala ang Japanese Embassy sa kanilang mamamayan na nasa Pilipinas ukol sa isang ‘’possible terror attack.’’ Hindi isiniwalat ng embahada kung saan, ngunit inabisuhan ang kanilang mamamayan na maging mapagmatyag sa mga matataong lugar at mga ‘’places of worship.’’

Ayon naman sa Department of Foreign Affairs, wala silang natatanggap na impormasyon subalit inaalam na nila ang tungkol sa bagay na ito.

Dagdag pa ng DFA, ang mga travel advisories ng ibang bansa ay karaniwang hindi ‘officially notified’ sa ibang bansa, subalit ang ganito uri ng impormasyon ay maaaring naibahagi sa mga intelligence agencies.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *