Power plant sa SoKor, binisita ni Pampanga Governor Dennis Pineda

Binisita ni Pampanga Governor Dennis Pineda ang solar power plant ng Ewha Power Corp. sa Jeollanam, South Korea.

Isa rin kasi umano ito sa prayoridad ng Gobernador sa pagpunta sa South Korea para makahanap ng paraan na matulungang mabawasan ang bayarin ng mga Kapampangan sa kuryente.

Ipinakita ni Ewha Power Corp. Chief Executive Officer Lee Nam kay Governor Pineda ang mga kagamitan, storage, at harvesting technologies ng korporasyon.

Ayon sa kanya, binibigyang daan ng kanilang makabagong ‘power storage’ na makapag-stock at makagamit ng kuryente ang mga konsyumer sa oras ng pangangailangan, partikular na kung magkaroon ng biglaang pagkawala ng kuryente.

Ang presyo ng kuryente sa South Korea ay nagkakahalaga lamang ng ₱3.2 hanggang ₱4.8 kada kilowatt per hour (kWh).

Ito ay ‘di hamak na mas mababa kumpara sa kasalukuyang presyo ng kuryente sa Pampanga na nasa ₱12 hanggang ₱18 kWh, depende sa lokasyon at kumpanya ng kuryente.

Ayon sa pamunuan ng Ewha Power Corp., makatutulong ang pagkakaroon ng ‘solar harvesting systems’ sa pagtaas ng supply ng kuryente sa Pampanga.

Samantala, nakatakdang magkitang muli sina Governor Pineda at Lee para pag-usapan at suriin ang kaangkupan ng naturang teknolohiya sa Pampanga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *