Pulis na rumesponde sa road rage sa Candelaria, Quezon, napatay; Menor de edad at isa pang lalaki, sugatan

Patay ang isang pulis mula sa Candelaria Municipal Police Station (MPS) nang mabaril ito matapos rumesponde sa insidente ng pamamaril sa Bagong Pook, Barangay Bukal Sur, Candelaria, Quezon nitong Sabado, Mayo 6.

Kinilala ang nasawing pulis na si PCpl. Roniel Uy Marin, 29-anyos at residente ng Barangay Calumpang, Tayabas City.

Ayon sa police report, sakay noon sa kani-kanilang minamanehong tricycle ang biktimang si Morfe Lopez Azul, 35-anyos at ang suspek na si Teodolo Ramos Rustia Jr., 46-anyos, nang magkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng mga ito hinggil sa trapiko na naging dahilan naman para barilin ni Teodolo si Morfe.

Dahil sa insidente, nagsagawa ng follow up operation ang Candelaria MPS sa tahanan ni Teodolo at kung saan naroroon rin ang kapatid ni Morfe na kinilala sa pangalang Efren Azul.

Agad na pinaputukan ng baril ni Efren ang mga kapulisan na rumesponde sa pag-aakalang isa sa mga ito ang bumaril sa kapatid na si Morfe.

Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib ang naturang pulis habang nasugatan rin ang menor de edad na anak ni Teodolo.

Agad na isinugod sa hospital ang mga biktima para malapatan ng lunas subalit kalaunan ay binawian rin ng buhay si PCpl. Marin.

Kasalukuyan ng nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad hinggil sa insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *