Pulis patay sa pananambang ng mga rebeldeng grupo sa San Miguel, Catanduanes

BNFM BICOL— Patay ang isang pulis sa nangyaring engkwentro at pananambang ng mga rebeldeng grupo sa anim na personahe ng San Miguel Municipal Police Station sa lalawigan ng Catanduanes kahapon.

Batay sa opisyal na report na inilabas ng  Police Regional Office 5, magsisilbi lamang sana ng arrest warrant ang anim na PNP personnel laban sa isang wanted person sa Sitio Tucao Brgy. JMA ng nasabing bayan.

Nagkataon na hindi na inabutan ng mga otoridad ang kanilang pakay na suspek kung kaya’t nagpasya ang mga itong lisanin na lamang ang lugar.

Hindi pa man lubusang nakakalisan ay tinambangan na ang mga ito ng umanoy humigit kumulang 15 armadong  indibidwal na pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army.

Pinaulanan ang mga ito ng bala ng mga rebeldeng grupo at sa kasamaang palad ay tinamaan ang isa sa mga personahe ng San Miguel MPS na kinilalang si PSMS John Teston.

Maswerte namang nakapagtago ang limang iba pa at ligtas na nakapagtago sa bahay ng kapitan ng barangay.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon at follow up operations ng kapulisan upang matukoy ang mga salarin habang inaalam rin ng mga otoridad ang koneksyon ng wanted person sa mga rebeldeng grupo.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *