Romualdez, nais palawakin pa ang joint military exercises

Nais ni House Speaker Martin Romualdez na palawakin pa ang joint military exercises at taasan ang foreign military financing ng Estados Unidos sa Pilipinas.

Sa kanyang pulong sa mga mambabatas sa Amerika, binigyang-diin ni Romualdez ang kahalagahan ng expanded multilateral joint military exercises hindi lamang sa pagpapalakas ng defense strategies kundi sa pagpapatibay din ng ugnayan sa mga kaalyado upang masiguro ang kapayapaan at stability sa rehiyon.

Nakaharap ni Romualdez ang US lawmakers tulad nina Senators William Francis Hagerty ng Tennessee, Christopher Van Hollen ng Maryland, Representative Gary Palmer ng Alabama at iba pang US officials upang itaguyod ang national defense at regional security cooperation.

Binanggit ng House Speaker ang pagiging epektibo ng Balikatan exercises kasama ang US at iba pang aktibidad sa regional allies.

Paliwanag nito, naipamalas ng exercises ang importansya ng pagpapalakas sa tactical at operational prowess kaya sa pamamagitan ng programa ay mapapabuti ang seguridad at kapayapaan sa Asia-Pacific region.

Ipinanukala rin ni Romualdez na maitaas ang US foreign military financing sa Pilipinas mula sa 40 million US Dollars dahil sa nagbabagong mga hamon.

Ang US FMF program ay nagkakaloob ng grants para sa pagbili ng US defense equipment, services at training at layong i-promote ang national security interests sa tulong ng kontribusyon sa regional at global stability at pagpapatibay sa military support laban sa terorismo, trafficking, narcotics at weapons.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *