Sekyu, nangholdap sa isang convenience store sa Laguna, arestado

Kulungan ang bagsak ng isang security guard matapos na maaresto dahil sa pangho-holdap sa 7/11 Convenience Store sa Cabuyao, Laguna kaninang umaga.

Kinilala ang sekyu sa alyas ‘Razul’, nasa legal na edad at residente ng Guinyangan, Quezon.

Ayon sa report ng Cabuyao City Police Station, dakong 6:30 kaninang umaga, Nobyembre 15, 2022, pumasok ang suspek sa nasabing convenience store at nagkunwaring bibili ng cup noodles.

Bigla na lamang umano itong pumasok sa counter at tinutukan ng dalang kutsilyo ang duty crew.

Iniutos nito sa crew na buksan ang cash register machine at saka pinadapa sa sahig ang biktima.

Agad nitong kinuha sa kaha ang cash na nasa P3,050.00 saka mabilis na tumakas.

Sumakay pa ito sa jeep na patungong Calamba City ngunit hinabol siya ng crew habang nagsisigaw dahilan para maalarma ang mga tao sa paligid at tuluyang nahabol ang suspek.

Nakarekober mula sa suspek ang ninakaw na pera at agad itong nabawi ng crew.

Itinurn-over ang suspek sa rumespondeng mga kapulisan at kasalukuyan itong nasa kustodiya ng Cabuyao CPS.

Hinahanda na ang kasong Robbery laban sa sekyu na suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *