State of calamity, pinadedeklara ng Sta Magdalena MDRRMC dahil sa ASF outbreak

Sa inihaing Resolutiong ng Sta Magdalena MDRRMC, inirekomenda nito ang pagsasailalim ng buong bayan sa state of calamity dahil sa problemang dulot ng African Swine Fever (ASF).

Pangunahing dahilan ng deklarasyon ang lawak ng pinsala at epekto sa mga magbababoy.

Sa MDRRMC Resolution No. 2, series of 2022, nasa 370 baboy sa 6 na barangay ang apektado at tinatantiyang nasa 118 na magsasaka ang naapektuhan. Maliban pa dito, may mga bagong kaso pa na naiuulat sa kabila ng interbensyon ng gobyerno.

Nakasaad sa Resolution na may kagyat na pangangailangan na dapat tugunan ang patuloy na pagkalat ng ASF at ang masasamang epekto nito upang simulan ang rehabilitasyon ng lokal na industriya ng baboy at upang matiyak ang pagkakaroon, kasapatan at abot-kaya ng mga produktong baboy, lahat para sa layunin ng seguridad sa pagkain.

Ang isang deklarasyon ng state of calamity ay magiging kapaki-pakinabang sa pagtugon at mga pagsisikap sa muling pagsigla ng produksyon ng baboy. Magbibigay-daan din ito sa LGU na magamit ang kanilang Quick Response Funds at makapagbigay ng cash aid sa nasabing bilang ng magsasaka na naapektuhan.

Ang resolution ay may petsang Setyembre 15, 2022 at inaasahan na anumang araw nitong linggo ay inaasahang magdedeklara ang Sangguniang Bayan ng State of Calamity.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *