Thailand, nagbabala na nasasagad na ang mga ospital nito sa gitna ng COVID-19 surge

Nauubusan na ng mga kama ang mga ospital sa Bangkok, Thailand at sa mga karatig nitong probinsya dahil sa pagdami ng mga kaso ng COVID-19.

Inihayag ito ng isang health official sa Thailand matapos maitala sa naturang bansa ang record na bilang ng mga infections sa ikaapat na sunod na pagkakataon ngayong linggo.

Nitong Huwebes ay naiulat ng COVID-19 task force ng Thailand ang 17,669 na bagong bilang ng mga kaso kabilang na ang 165 na nasawi, na parehong maituturing na record highs.

Dagdag ng Thailand, 21 sa mga fatalities ay nasawi sa kanilang mga bahay.

Ayon sa Department of Medical Services, hindi na nila alam kung saan ilalagay ang mga tao na nagkakasakit, dahil pansamantala nang isinara ang emergency room units sa maraming ospital.

Ipinaliwanag ng ahensya na nasasagad na ang mga ospital sa Thailand dahil nagkakaubusan na ng mga kama.

Sa Bangkok at sa mga kalapit na probinsya nito ay sinabi ng mga otoridad na umabot na sa 1,200 ang bilang ng mga tao na naghihintay na makakuha ng hospital beds habang nasa mahigit 6,000 na ang tumatawag sa kanilang hotline para humiling ng treatment.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *