Zero cas ng carnapping at motornapping sa Isabela, naitala ngayong pandemya – HPG Isabela

Nagpapatuloy ang isinasagawang anti-carnapping at motor napping operation ng mga kasapi ng Highway Patrol Group Isabela upang matiyak na walang mga bumabaybay sa mga lansangan na nakaw na behikulo.


Sa panayam ng 92.9 Brigada News Cauayan kay PMaj. Rey Sales, ang provincial officer ng HPG Isabela, sinabi niya na mayroon silang schedule kada linggo na bayan at syudad kung saan isinasagawa ang ganitong operasyon.


Sa ngayon aniya ay wala namang mga naitatalang kaso ng motor napping bagaman may mangilan-ngilan silang naitatala noon subalit kapag isinasailalim sa balidasyon ay hindi naman ito maituturing na motor napping.


Aniya, isa mga nakikitang dahilan ay bunsod ng nararanasang pandemya kung saan limitado ang paglabas ng mga tao maging ang patuloy nilang operasyon upang masawata ang mga ganitong gawain.


Nagpaalala rin si Maj. Sales sa mga nagtitinda o bumibili ng second hand parts o motorcycle na maging mapanuri upang maiwasan nilang makabili ng mga galing sa nakaw o walang kaukulang dokumento.


Paliwanag pa ng opisyal, alinsunod sa Anti-Fencing Law ay may pananagutan din ang mga ito sakaling makabili ng mga ganitong uri ng materyales.

Humingi rin siya ng pang-unawa sa publiko kaugnay sa kanilang pagpara sa mga PUVs at tricycle dahil bahagi umano ng kanilang mandato na tiyaking may suot na face mask at face shields ang mga sakay na pasahero upang makaiwas sa COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *