𝐃𝐎𝐇 𝐑𝐄𝐆𝐈𝐎𝐍 𝟐, naglabas ng pahayag kaugnay sa kinwestyong pagpapaturok ng sputnik V sa mga residente ng Enrile at Solana

Naglabas ng opisyal na pahayag ang Department of Health Region 2 kaugnay sa kanilang pagtuturok ng Gamaleya Sputnik V COVID-19 vaccine sa mga residente ng bayan ng Enrile at Solana.


Ito ay matapos kwestyunin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang hakbang ng DOH na iturok ang natuarang mga bakuna na una umanong inilaan sa Tuguegarao City subalit tinanggihan ng kanilang CHO dahil sa kakulangan ng paghahanda bunsod ng agarang pagdating ng vaccine.


Kinwestyon din ng PGC ang listahan ng mga naturukan kung nasunod ba ang priority list na itinakda ng IATF matapos makatanggap umano ng ulat ang pamahalaang panlalawigan na pinipili ang mga tinurukan.


Isinagawa ang naturang pagbabakuna sa isang hotel sa lunsod ng Tuguegarao bagay na kinwestyon din ng mga opisyal dahil kinakailangan pa umanong magtungo roon ang mga magpapabakuna gayong maari namang gawin ito sa mga nabanggit na bayan.

Mayroon din umanong freezer ang bayan ng Enrile na maaring gawing storage sana ng mga naturang bakuna.
Paliwanag naman ng DOH Region 2 kagaya ng Pfizer vaccine ang Sputnik V ay nangangailangan ng partikular na storage requirement at dahil libre na inalok ng may-ari ng pribadong hotel ang kanilang pasilidad ay dito isinagawa ang vaccination na tiniyak namang nasunod ang mga panuntunan.


Maliban dito ay sinabi umano ni Dr. Carlos Cortina, Provincial Health Officer na walang pormal na sulat ang DOH para iturok ang mga bakuna sa mga residente ng Enrile at Solana at hindi rin umano ito naikonsulta kay Governor Manuel Mamba.


Giit naman ng DOH, bago ang roll-out ay kanila itong idinulog sa Provincial Vaccination Operations Center matapos tanggihan ng Tuguegarao CHO ang Sputnik V kung saan tinukoy ang mga bayan ng Enrile at Solana.


Nasunod din daw ang mga prayoridad na maturukan base sa kanilang master list.


Dagdag pa ng DOH na malinaw ang layunin ng programa at hinikayat ang lahat na magkipagkaisa sa isinasagawang malawakang pagbabakuna.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *