10 indibidwal na nagpanggap na NBI agents, arestado

Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Brigadier General Jonnel Estomo ang ginawang mabilis na aksyon ng mga security guards at Muntinlupa City PNP matapos maaresto ang sampung indibidwal na nagpanggap na mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa isang posh village in Muntinlupa para ikulong at pagnakawan ang isang Chinese national.

Batay sa report ng Southern Police District (SPD), nakilala ang mga suspek na sila David Tan Liao, Fritz Ian Petil Cafino, Ronaldo Cadalena Zuniega, Andy Ko Sy, Erlindo Cuago, Roderick Segundo Ensano, Bienvinido Biolango Vildad Jr., Ernesto Solamillo Baay, Roberto Daradar Pacis, at Jonathan Caliwag Salud.

Ayon sa pulisya, nangyari ang detention at tangkang pagnanakaw dakong alas-9 ng umaga noong November 22, 2022.

Mabilis na nakapasok sa nasabing village ang mga suspek dahil sa paalam nila sa mga security guard na NBI agents sila at may bibisitahin lamang na kaibigan sa bahagi ng Maria Cristina Street.

Doon ay ikinulong na nila ang naturang biktima ng hanggang alas-7:00 ng gabi at pinagbabayad ng P40 million kapalit ng kanyang kalayaan.

Noong mga oras iyon, kaagad ding nakahingi ng tulong sa mga security guards ang personal driver ng biktima na siyang naging dahilan sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Ayon kay Estomo, nagpapasalamat sila sa mabilis na pagtugon ng mga security guards ng mismong village sa nangyaring krimen.

Nahaharap naman sa kasong serious illegal detention, attempted robbery, usurpation of authority at trespass to dwelling ang mga suspek.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *